Maglalabas ang Maritime Industry Authority (MARINA) ng show cause orders laban sa kanilang mga tauhan na nagbasbas sa operasyon ng lumubog na MT Princess Empress.
Ito ay sa kabila ng kuwestiyonableng seaworthiness ng nasabing barko.
Ayon kay MARINA Legal Services Director Sharon Aledo, nag-convene na ang kanilang anti-graft and corruption committee kung saan tinalakay ang resulta ng imbestigasyon ng fact-finding group.
Una nang ibinunyag ni Justice Sec. Crispin Remulla na luma na ang MT Princess Empress at pinalabas lang itong bago ng RDC Reield Marine Services, Inc.
Kinansela na rin ng MARINA ang Certificate of Public Convenience ng RDC.
Ang paglubog ng MT Princess Empress ay nagdulot ng malawakang oil spill sa Oriental Mindoro at mga karatig na lalawigan.