Naglabas ng mga patakaran sa konstruksyon at sertipikasyon ng mga sasakyang pandagat ang Maritime Industry Authority (MARINA) partikular sa gumagamit ng mga composite materials.
Ito’y sa pamamagitan ng pagbibigay ng MARINA Circular No. SR-2020-03 upang mapabuti ang mga pamantayan sa paggawa ng mga bangka sa bansa.
Ang composite material ay isang kombinasyon ng dalawa o higit pang mga materyal na may makabuluhang mga katangiang pisikal o kemikal na kapag pinagsama, makakabuo ng isang material na mas malakas, magaan o lumalaban sa corrosiom at electricity.
Kabilang sa mga ginagamit sa pagbuo ng bangka ay fiber-reinforced plastic (FRP) at polyester at iba pa.
Ang nasabing mga panuntunan ay nagdaragdag sa MARINA Circular (MC) No. 2015-07 na naglalaman ng mga patakaran at regulasyon sa konstruksyon, alteration, conversion at modification ng sasakyang pandagat.
Saklaw nito ang lahat ng sasakyang pandagat na gumagamit ng mga pinaghalong materyales, alinman sa na-import o locally constructed kabilang ang fishing vessel.
Tiniyak ng MARINA sa publiko at mga stakeholders na magpapatuloy itong magbalangkas at magsagawa ng mga patakaran para sa pagpapatupad ng Shipbuilding and Ship Repair (SBSR) plan, programa at proyekto, standards, criteria, polisiya at matiyak ang pag-unlad ng local shipbuilding industry pati na rin ang iba pang mga aktibidad na pagpapaunlad sa buong maritime industry.