Inihayag ng isa sa mga kaalyado ni House Speaker Alan Peter Cayetano na magkakaroon ng problema si Marinduque Representative Lord Alan Velasco sakaling palitan nito ang committee chairmanship sa oras na maupo ito.
Ito ang sinabi ni Camarines Sur Representative Luis Raymund Villafuerte kung saan magkakaroon aniya ng problema kung mapapalitan ang mga naka-pwesto sa committee chair lalo na’t may party allocations ng nakatalaga base na rin sa napag-usapang agreement hinggil sa term sharing.
Wala rin aniyang katotohanan ang lumabas na balita na ininsulto nila ang kampo ni Velasco at handa naman sundin ng kanilang panig ang napag-usapang term agreement.
Nilinaw naman ni Oriental Mindoro 1st District Rep. Salbador “Doy” Leachon na kaalyado ni Velasco na walang sinumang house committee heads ang mapapalitan sa pwesto.
Samantala, ipinaliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na magiging “awkward” kung ang Malacañang pa ang maghahayag kung sino ang uupo na Speaker of the House.
Ang liderato na aniya ng Kamara ang siyang bahalang mag-anunsyo nito dahil parte naman ito ng sinasabing agreement sa pagitan nina Cayetano at Velasco.