Manila, Philippines – Pinag-iingat ni Magdalo PL Rep. Gary Alejano ang bansa sa pagpayag ng gobyerno sa China na magsagawa ng research sa Benham Rise.
Ito ay matapos ibulgar ni Alejano na pinayagan ng Department of Foreign Affairs ang hiling ng Institute of Oceanology of Chinese Academy of Sciences (IO-CAS) na magsagawa ng marine scientific research sa Benham Rise.
Babala ni Alejano, dapat mag-ingat ang gobyerno sa ginawang pagpayag sa China na magsagawa ng marine research dahil 80% ng teritoryo o Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa South China Sea ay inaangkin ng nasabing bansa.
Duda rin ang kongresista sa tunay na intensyon ng China matapos na isama sa research ang University of the Philippines – Marine Science Institute (UP-MSI).
Aniya, ngayon lamang pumayag ang China na makipag-partner sa mga Filipino researchers na noong una ay inaayawan nila.
Nagtataka din ang mambabatas kung bakit sa China na batid namang may interes sa ating teritoryo ang pinayagan ng pamahalaan pero ang French-based non-profit organization na Tara Expeditions Foundation ay hindi pinayagan ng DFA na makapagsagawa ng research gayong wala namang conflict dito ang bansa.
Pinagdodoble ingat ng mambabatas ang gobyerno sa pagiging maluwag sa China lalo pa’t mayaman sa mineral at gas ang bahagi ng Benham Rise.