Kumpiyansa ang Philippine Navy na lalakas ang kanilang kakayahang depensahan ang maritime borders ng bansa sa pamamagitan ng bagong shore based anti-ship missile system na bibilhin ng gobyerno.
Inihayag ito ni Philippine Navy Spokesperson Commander Benjo Negranza, makaraang i-award ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang kontrata sa pagbili ng nasabing missile system sa BrahMos Aerospace Private Ltd. ng India.
Ang nasabing shore-based anti-ship missile project na nagkakahalaga ng 375 milyong dolyar ay i-ooperate ng Philippine Marine Corps Coastal Defense Regiment.
Ang BrahMos cruise missile ay maaaring i-launch sa pamamagitan ng barko, aircraft, submarine, o sa kalupaan at may kakayahan na magdala ng warheads na may bigat na 200 hanggang 300 kilograms.
Ang missile ay mayroong flight range hanggang 290 kilometero na supersonic speed ayon sa BrahMos.