Naniniwala ang Philippine Coast Guard (PCG) na mas mapapalakas ang maritime jurisdiction ng bansa kung maipapasa ng Kongreso ang panukalang batas na magtatakda ng maritime zones ng Pilipinas matapos ang pagbangga ng barko ng China sa resupply boat ng AFP sa Ayungin Shoal kahapon.
Sa pagdinig ng Senado ay naitanong ni Senator Francis Tolentino, Chairman ng Special Committee on Maritime and Admiralty Zones, sa PCG kung mapipilit ba ng maritime zones law na sumunod ang ibang mga bansa sa international norms at standards kung saan maoobliga silang igalang hindi lang ang ating teritoryo kundi pati ang ating maritime safety.
Tugon dito ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, umaasa siyang ang mga bansa sa rehiyon at ang iba pang claimants sa South China Sea na signatory sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ay obligadong irespeto ang ating maritime jurisdiction oras na matiyak ang ating maritime zones.
Magkagayunman, aminado si Tarriela na may ilang bansa na pipiliing hindi kilalanin ang probisyon ng international law partikular ang UNCLOS kahit pa aprubahan ng Kongreso ang maritime zones.
Sa kabilang banda, naniniwala ang PCG na ang pagpasa sa maritime zone bill ay magpapalakas sa maritime jurisdiction ng bansa matapos ang insidenteng kahapon sa Ayungin shoal na nangyari sa loob ng ating exclusive economic zone.
Para naman kay Solicitor General Menardo Guevarra, kailangang sumunod ang lahat ng sea vessels ng ibang mga bansa sakaling maisabatas na ang maritime zones dahil ito ay repleksyon lang naman ng international agreement at laws kung saan signatories din ang ibang mga estado.