Mas pinalakas pa ng Area Task Force West (ATF-West) ng National Task Force for West Philippine Sea (NTF-WPS) ang pagpapatrolya sa mga karagatang nasa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Ayon kay Vice Admiral Ramil Roberto Enriquez, Chairman ng ATF-West, tuluy-tuloy ang operasyon ng maritime at sovereignty patrols ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa bahagi ng Julian Felipe Reef, Pag-asa Cay, Recto Bank at iba pang bahagi ng Kalayaan Island Group (KIG).
Aniya, apat na barko ng Philippine Navy, ang ipinadala ng AFP Western Command sa mga nabanggit na lugar para magpatrolya.
Sinusuportahan ng mga ito ang BRP Cabra (MRRV 4409) ng Philippine Coast Guard at dalawa pang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Matatandaang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana nang nakaraang linggo sa China na alisin ang kanilang mahigit 200 barko sa Julian Felipe Reef na nasa loob ng EEZ ng Pilipinas.
Sa huling ulat ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana kamakalawa, may natitira pang 28 barko ng China sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea.