Manila, Philippines – Naghain ang MAKABAYAN sa Kamara ng resolusyon na nagpapaimbestiga sa ginawang pag-apruba ng Department of Foreign Affairs (DFA) na magsagawa ng pag-aaral ang China sa Benham Rise.
Sa House Resolution 1623 na inihain ng MAKABAYAN, inaatasan ang House Committee on Foreign Affairs na magsagawa ng imbestigasyon in aid of legislation tungkol sa marine study ng China sa teritoryong sakop ng bansa.
Nais malaman ng mga militanteng mambabatas kung ano ang dahilan at pinayagan pa rin ang China na magsagawa ng pag-aaral sa Benham Rise na bahagi ng extended continental shelf ng Pilipinas sa kabila ng naging pahayag ng Chinese Foreign Ministry na hindi maaaring angkinin ng bansa ang nasabing teritoryo.
Giit ng mga mambabatas, malinaw sa United Nations Commission on the Limits of the Continental Shelf at UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na ito ay extended continental shelf ng Pilipinas at may sovereign rights dito ang bansa.
Dagdag pa dito, malinaw na nakasaad sa UNCLOS na kung hindi ito ini-explore ng bansa na nakakasakop ay hindi maaaring magsagawa ng anumang aktibidad ang anumang bansa sa naturang teritoryo kung walang pahintulot.