Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Win Gatchalian, ang pagrepaso sa umiiral na maritime safety standards para malaman kung nasusunod ng mahigpit ang mga regulasyon na itinakda ng Maritime Industry Authority o MARINA.
Ayon kay Gatchalian, hindi na kailangan pang hintayin na may lumubog na namang barko sa kasagsagan ng bagyo para malaman kung nasusunod ang maritime safety standards.
Bunsod nito ay inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution No. 220 para madetermina kung kailangang amyendahan ang mga umiiral na protocols para sa kaligtasan at maayos na pagbiyahe ng mga pasahero sa karagatan.
Sa report ng MARINA mula 2011 hanggang 2016, ay halos 500 ang naitalang lumubog na sasakayang pandagat, mahigit 400 ang sumadsad at mahigit 900 ang nagkaroon ng problema sa makina.
Binanggit pa ni Gatchalian, ang pagkamatay ng tatlumput isang katao nang lumubog ang tatlong bangka nitong Agosto sa Iloilo-Guimaras strait.