Inilabas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nakuha nilang Maritime Traffic Data na nagpapakita ng pagbangga ng Marshall Island-flagged crude oil tanker na “Pacific Anna” sa bangka ng mga Pilipinong mangingisda malapit sa Bajo de Masinloc na ikinamatay ng tatlong katao.
Mismong si Philippine Coast Guard (PCG) Spokesman Rear Admiral Arman Balilo ang nagbahagi ng video sa media.
Sa video, ipinakita kung papaanong binangga ng Pacific Anna ang mga mangingisda.
Dakong alas-4:20 ng umaga noong October 2 ng mangyari ang insidente sa 85 nautical miles ng Bajo de Masinloc at 180 nautical miles ng Agno, Pangasinan.
Nag-aahon ng payao ang mga mangingisda sakay ng kanilang bangka na Filipino fishing boat (FFB) Dearyn ng sila ay banggain ng Pacific Anna na pag-aari ng Marshall Islands.
Agad nagtalunan ng bangka ang mga mangingisda at makalipas ang ilang minuto ay nakitang patay na ang dalawang crew at ang kanilang kapitan.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng PCG sa insidente at pag-aaralan ang susunod na hakbang para mapanagot ang bumangga na oil tanker.