Nakabalik na sa kanilang dating pwesto ang ilang market vendors sa Malimgas Public Market matapos silang pansamantalang mailipat sa Quintis Bridge dahil sa pagbaha noong nakaraang linggo.
Gayunman, hinaing pa rin ng ilang tindera ang matumal na benta bunsod ng pinsala ng baha at dagdag pa ang pagtaas ng presyo ng ilang bilihin na nagiging dahilan kung bakit kaunti lamang ang namimili.
Samantala, ilang manlalako na pansamantalang nagtitinda sa hindi binahang bahagi ng Galvan Street ang inaasahang makakabalik na rin malapit sa pamilihan ngayong araw. Ayon sa kanila, napilitan silang lumipat dahil lumubog sa baha ang merkado at naging mahirap ang kanilang pagtitinda.
Ngayon namang bahagyang humupa ang tubig, umaasa sila na muling sisigla ang kanilang kabuhayan matapos ang ilang araw ng mababang kita.
Diskarte naman ng ilang manininda ang pansamantalang pagtitinda sa bahagi ng Magsaysay Fish Market upang makabenta. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







