Kasunod ng pagpayag ng Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) sa pag-angkas o backride sa motorsiklo simula bukas, nilinaw ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na tanging mag-asawa lamang ang papayagan na magka-angkas.
Ayon kay Roque, maliban sa helmet, dapat ay may protective shield sa pagitan ng rider at angkas nito.
Payo pa ni Roque, magdala ng ID at photocopy ng kanilang marriage contract ang mag-asawa na magpapatunay na totoo ngang mag-asawa sila.
Paliwanag pa nito, aprub na in principle ang pag-aangkas at bukas ay ilalabas ang guidelines o panuntunan hinggil dito.
Paalala pa ni Roque, maaari lamang mag-angkas sa mga pribado o yung mga mag-asawa at hindi kasama ang Angkas application dahil paso na ang kanilang prangkisa.