Manila, Philippines – Naging mainit agad ang pag-uumpisa ng debate ng Kongreso kaugnay sa hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ng isang taon ang umiiral na Martial Law sa Mindanao.
Agad na ginisa ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang ilang mga opisyal ng Duterte administration sa pagtatanong kung bakit kailangan pang palawigin ng isang taon ang batas militar sa Mindanao, gayong wala namang “actual combat” o rebelyon na nangyayari.
Depensa ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, kahit liberated na ang Marawi sa Maute-Isis Group, mayroon pa umanong nangyayaring aktibong recruitment na ginagawa ang mga ISIS inspired groups na ang puntirya ay mga Muslim na kabataan.
Bago nagsimula ang interpellation, nagbigay ng justification si Executive Secretary Salvador Medialdea na hindi nila intensyong magkaroon ng “unlimited martial law” dahil layunin lamang ng gobyerno na umiral ang pangmatagalang kapayapaan.
Samantala, present din bilang resource persons sa panig ng Malacanang sina PNP Chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa at AFP Chief of Staff Rey Leonardo Guerrero, dating AFP Chief at Retired Gen. Eduardo Año na ngayon ay undersecretary ng DILG, National Security Adviser Hermogenes Esperon at DILG OIC Usec. Catalino Cuy.
Batay naman sa patakaran ng joint session ngayon, ang mga mambabatas na nais magtanong sa mga security officials ay binibigyan lamang ng tatlong minuto.
Nasa 14 na mga senador ang present habang nasa 216 naman sa panig ng mga congressmen.