Manila, Philippines – Nanindigan ang Independent Minority Group sa paghahain ng petisyon sa Korte Suprema ukol sa isang taong pagpapalawig ng martial law sa Mindanao.
Ihahain ng Magnificent 7 sa Kamara ang petisyon sa susunod na linggo o bago mag-Pasko.
Pangunahing argumento dito, ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, ang kawalan ng constitutional basis ng patuloy na implementasyon ng batas militar sa Mindanao dahil wala namang rebelyon o pananakop.
Lalong wala aniyang basehan ang ipagpatuloy pa ito ng isang taon dahil banta pa lamang naman ng karahasan ang gustong agapan ng militar.
Bukod dito, igigiit umanong walang ligal na basehan ang pagpapalawig ng isang taon sa martial law dahil lagpas ito sa limitasyong itinatakda ng Saligang Batas na nasa 60 araw.
Sinabi ni Lagman na hindi lamang sila sa Magnificent 7 ang magpepetisyon sa Korte Suprema kundi may iba pang kongresista na sasama dito.