Hindi na kailangan pang magdeklara ng martial law sakaling maging ganap na batas ang Anti-Terrorism Bill.
Ito ang pahayag ni Senate President Vicente Sotto III sa gitna ng pagkondena ng publiko sa pagpasa ng panukalang batas sa Kongreso kung saan pinangangambahan ng mga kritiko na magamit ito para patahimikin ang mga indibidwal na magpahayag ng saloobin laban sa gobyerno.
Ayon kay Sotto, pinapalitan ng Anti-Terrorism Bill ang Human Security Act na aniya’y pinakamahinang anti-terrorism policy sa buong mundo.
Binigyang-diin din niya na sinusunod ng Anti-Terrorism Bill ang global standards ng United Nations Security Council sa pagtugon sa problema ng terorismo.
Kasabay nito, itinanggi ng senador na minadali ang pagpapasa sa panukala.
Katunayan aniya, 2018 pa nang ihain ang panukala at nitong Pebrero 2020 lang ito naipasa sa Senado.
Sinertipikahan lang aniya itong ‘urgent’ ni Pangulong Rodrigo Duterte para matapos na ng Kongreso ang deliberasyon dito bago mag-adjourn noong Biyernes.
Umaasa si Sotto na pipirmahan ng Pangulo ang Anti-Terrorism Bill ngayong darating na linggo.