Manila, Philippines – Isa pang petisyon kontra sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao ang inihain sa Korte Suprema.
Ang pangatlong petisyon ay inihain ni dating Commission on Human Rights (CHR) Chairperson Loretta Ann Rosales sa pamamagitan ng kanyang abugado na si dating Solicitor General Florin Hilbay.
Kabilang sa respondents sa petisyon sina Pangulong Rodrigo Duterte, Executive Secretary Salvador Medialdea, Martial Law Administrator Secretary Delfin Lorenzana, Martial Law Implementer General Rey Guerrero, Philippine National Police (PNP) Director General Ronald Dela Rosa, Senate President Aquilino Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez.
Sa kanyang petisyon, iginiit ni Rosales na ang proklamasyon ng martial law ay hindi maaring gamitin bilang garantiya sa bantang panganib ng rebelyon.
Wala rin aniyang sapat na basehan para ipagpatuloy ang martial law sa Mindanao dahil wala namang nagaganap pag-aaklas.
Nababahala rin ang dating CHR chairperson na ang paggamit sa NPA bilang isa sa dahilan ng martial law re-extension ay posibleng hudyat ng pagdedeklara ng martial law sa iba pang bahagi ng bansa.