Manila, Philippines – Tiniyak ni dating Special Assistant to the President Secretary Bong Go na malabong magdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng Martial Law sa buong bansa matapos ang pagsabog sa Jolo, Sulu noong nakaraang araw ng Linggo.
Ito ang sinabi ni Go matapos lumabas ang usap-usapan na posibleng magdeklara ang Pangulo ng Martial Law dahil sa pagkamatay ng mahigit 20 tao at ikasugat ng mahigit 100 iba pa dahil sa pagpapasabog.
Ayon kay Go, kahit nagalit ang Pangulo sa nangyari sa Sulu ay kakalma parin naman ito at ang kapakanan parin ng nakararami ang kanyang magiging prayoridad.
Binigyang diin din ni Go na ang pagpapatupad ng Martial Law sa Mindanao ay para lamang labanan at sugpuin ang terorismo sa buong rehiyon.
Kinumpirma din nito na nagbigay ng financial assistance ang Pangulo sa mga biktima ng pagsabog sa Sulu kung saan tiniyak aniya ng Pangulo na sasagutin ng Pamahalaan ang lahat ng gastos sa pagpapagamot ng mga sugatan.
Tiniyak din naman aniya ni Pangulong Duterte na mananagot ang mga nasalikod ng pambobomba.