Manila, Philippines – Binigyang diin ng Palasyo ng Malacañang na ang nangyaring pagsabog sa Jolo, Sulu kahapon ay isang patunay na dapat manatili umiiral na Martial Law sa buong Mindanao.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salavador Panelo, kahit ngayong umiiral ang batas militar ay talagang hindi madali na pigilan ang mga masasamang loob na maghasik ng karahasan.
Kaya naman mas lalong dapat aniyang higpitan ang pagpapatupad ng security measures ng Armed Forces of the Philippines at ng Philippine National Police sa Mindanao.
Sa ngayon aniya ay gustong malaman ng Malacañang kung ano ang magiging resulta ng imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy kung sino ang nasa likod ng pagsabog na ikinamatay ng 28 tao at ikinasugat naman ng mahigit 100 iba pa.
Una nang sinabi ng Malacañang na nagalit at dismayado si Pangulong Duterte sa pangyayari, nakatakda namang pumunta ang Pangulo sa Sulu ngayong araw.