MARTIAL LAW | “Move on” statement ni Gov. Imee Marcos, sinopla nina Sen. Aquino, Pangilinan

Manila, Philippines – Hindi katanggap-tanggap para kina Senator Bam Aquino at Liberal Party President Senator Kiko Pangilinan ang mensahe ni Governor Imee Marcos sa kanilang mga kritiko na mag-move on na mula sa Martial Law.

Ayon kay Senator Aquino, klaro sa kasaysayan kung sino ang nagnakaw, nag-torture at pumatay noong panahon ng martial at hindi madali sa mga naging biktima nito ang mag move on lang.

Diin pa ni Aquino, mahirap maka get over kapag walang closure at lalo na kapag pinamumukha sa publiko na walang kasalanan ang salarin.


Paliwanag naman ni Senator Pangilinan, hindi ito usapin sa pagitan lang ng mga Marcos at Aquino.

Giit ni Pangilinan, ito ay usapin sa pagitan ng mga Marcos at ng buong sambayanang nagdusa sa pang-aabuso, sa kasakiman at sa mapang-api at mapaniil na pamumuno ng diktador.

Ipinunto ni Pangilinan na paano makaka-move on ang mga hindi makatarungang kinulong, mga tinorture at mga pinatay kung wala man lang pagsisisi, walang intensyong magbayad sa kasalanan, walang pagtanggap at pag-amin sa maling ginawa nila.

Dagdag pa ni Pangilinan, paano makaka-move on ang mga Pilipino kung patuloy na itinatanggi ng pamilya Marcos ang kanila umanong bilyong dolyar na di-maipaliwanag na kayamanan na nagpasadsad sa ating ekonomiya at nagbigay ng titulo kay Marcos na umano ay pinakamatinding magnanakaw sa buong mundo.

Facebook Comments