Mary Jane Veloso, dinalaw ng kaniyang pamilya ngayong Pasko; pagdalaw sa PDLs ngayong Kapaskuhan, patuloy rin

Kinumpirma ng correctional guards sa gate ng Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City na nasa loob na ng correctional ang pamilya ni Mary Jane Veloso.

Tumanggi naman ang mga guwardya na kumpirmahin kung sinu-sino ang kasama ng pamilya Veloso at kung hanggang anong oras mananatili rito ang pamilya ni Mary Jane.

Tuloy-tuloy rin ang pagpasok ng mga sasakyan sa loob ng correctional partikular ang pamilya ng mga nakapiit para makapiling ang kanilang mahal sa buhay.


Nilinaw naman ng Bureau of Corrections na pinapayagan nila ngayong Pasko ang pagdalaw sa correction facilities ng kaanak ng mga naka-detain na persons deprived of liberty.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang, ang regular na pagbisita ay nagsisimula ng alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.

Kapag holiday season aniya ay binibigay nila ang stay-in privileges para sa mga asawa at common-law-wives ng PDLs.

Dalawang batch ang pinapayagan sa araw ng Pasko, ang unang batch ay mula 8:00 am ng December 24 hanggang 7:00 am ng December 25.

Ang ikalawang batch naman ay mula 8:00 am ng December 25 hanggang 7:00 am ng December 26.

Kapag bagong taon naman, ang unang batch ay mula 8:00 am ng December 31, 2024, hanggang 7:00 am ng January 1, 2025, habang ang ikalawang batch ay mula 8:00 am ng January 1 hanggang 7:00 am ng January 2, 2025.

Facebook Comments