Pinatitiyak ni Senator Grace Poe na magiging mas accessible ang free meals o libreng pagkain sa lahat ng public daycare at development centers.
Sinusuportahan ni Poe ang panukala ng Senado na itaas pa ang pondo para sa supplementary feeding program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa P4 billion sa P6 billion sa 2024.
Kaakibat naman ng pagtataas sa budget ang pagtiyak na mas accessible at epektibo ang distribusyon ng free meals upang matiyak na makakamit ng mga bata ang kinakailangan at sapat na nutrisyon.
Para sa taong ito, ang programa ay mayroon nang 1.8 million beneficiaries na edad 3 hanggang 5 taong gulang.
Binigyang-diin ng senadora ang pangangailangan na mabigyan ng tulong ang mga kabataan hindi lang sa unang 1,000 araw kundi pati hanggang sa kanilang paglaki upang maalalayan ang mga ito sa wastong physical at mental development.
At para naman sa mas epektibong rollout ng supplemental feeding program, sinabi ni Poe na dapat makipagugnayan ang DSWD sa mga barangay para sa kanilang araw-araw na operasyon.