Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala pang “solid evidence” na ang bagong strain ng Coronavirus na sinasabing nakapasok sa Pilipinas ay mas “transmissible” at mas “infectious” o nakakahawa.
Ang bagong strain ay nadiskubre ng Philippine Genome Center (PGC).
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Ma. Rosario Vergeire, batay sa pag-aaral ng PGC ay may nakita silang bagong strain, na G614 na nag-mutate na raw mula sa D614 strain.
Nilinaw rin ni Vergeire na ang naturang pag-aaral ng PGC ay naka-centralize o naka-tutok pa lamang sa Quezon City at hindi sa buong bansa.
Patuloy naman aniya ang pag-aaral at pagkuha ng mga impormasyon ng PGC at malalaman sa mga darating na araw o buwan ang resulta nito.
Sa kabila nito, mahigpit pa rin ang paalala ng DOH na kahit ano pang strain ng Coronavirus ang lumutang sa Pilipinas ay kailangang huwag kalimutan ng publiko ang minimum health standards para makaiwas sa sakit.