MAS EPEKTIBONG ANIMAL WELFARE SA ALAMINOS CITY, MAS PINALALAKAS

Nakapag-uwi ng mahahalagang kaalaman at estratehiya ang Alaminos City Veterinary Office, partikular ang Dog Pound Unit, matapos ang isang araw na benchmarking activity sa Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan.

Ang aktibidad ay nagbigay ng mas malalim na pag-unawa sa mas epektibong pagpapatupad ng mga programa para sa animal welfare, responsableng pag-aalaga ng alagang hayop, at pagpapalakas ng ugnayan sa komunidad.

Sa kanilang pagbisita, masinsinan silang binigyan ng briefing ukol sa mga programang may kaugnayan sa rabies vaccination, kontrol at pamamahala ng populasyon ng aso at pusa, at tamang paraan ng humane dog catching, restraint, at rescue. Tampok din sa kanilang natutunan ang makabagong microchipping technique na ginagamit para sa wastong pagkakakilanlan ng mga alagang hayop, gayundin ang sistema ng citation tickets para sa mga paglabag at ang pagpapatala ng mga alaga sa antas-barangay sa pamamagitan ng mga para-veterinarians.

Nagkaroon din ng pagkakataon ang delegasyon na obserbahan kung paano tumatakbo ang isang City Veterinary Hospital, Mobile Kapon Clinic, at Dog Pound na kilala sa mahusay at sistematikong operasyon para sa kapakanan ng mga hayop at ng komunidad.

Bumisita rin ang grupo sa isang kilalang pribadong animal sanctuary sa Pangil, Laguna bilang bahagi ng patuloy na pag-aaral ng pamahalaang lungsod upang tukuyin ang posibilidad na maipasa sa naturang pasilidad ang mga asong kabilang sa euthanasia candidates, alinsunod sa itinatadhana ng Animal Welfare Act (RA 8485). Kasama rin sa pag-aaral ang posibleng pag-convert ng kasalukuyang dog pound ng lungsod tungo sa isang ganap na dog shelter.

Ang benchmarking na ito ay inaasahang magsisilbing inspirasyon at gabay sa pagpapabuti ng mga serbisyo ng Alaminos City Veterinary Office, habang patuloy na isinusulong ang isang makatao at progresibong sistema para sa pangangalaga ng mga hayop sa lungsod.

Facebook Comments