Asahan na ang mas istriktong localized lockdowns sa National Capital Region (NCR), oras na muli itong isailalim sa General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles na Co-Chairman din ng Inter-Agency Task Force, kailangang mas maging aktibo na ngayon ang pamahalaan sa localized lockdowns.
Aniya, may nakatalaga na ngayon na mga cabinet secretaries sa iba’t ibang siyudad sa Metro Manila.
Paliwanag ni Nograles, ang mekanismong mag-assign ng mga big brother at sisters para i-monitor ang pandemic response sa NCR ay katulad ng nangyari sa Cebu City kung saan inatasan si Environment Secretary Roy Cimatu na tiyaking maayos na natutugunan ang COVID-19 situation.
Dagdag pa ni Nograles, mayroon ding pulong ang IATF ngayong araw para talakayin ang feedback ng mga alkalde ng Metro Manila sa inisyal na assessment ng task force sa kanilang pandemic situation.
Maliban dito, tatalakayin din sa pulong ang susunod na quarantine sa Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna at Bulacan.