Nagbabala si Senador Risa Hontiveros na ang panukalang bababaan ang kapital ng mga papasok na foreign investors ay malaking banta sa mga maliliit na negosyo sa bansa.
Ayon kay Hontiveros, suportado niya ang mga hakbang para iangat ang ekonomiya, lumikha ng mga trabaho at pababain ang presyo ng bilihin.
Pero katwiran ni Hontiveros, kung bababaan ang kapital ng foreign investors na pwedeng pumasok sa bansa ay mas pabibigatin pa nito ang pasanin ng ating local retailers na nag-aagaw-bunay ngayon dahil sa pandemya.
Pahayag ito ni Hontiveros sa harap ng isinusulong na pag-amyenda sa Retail Trade Liberalization Law para ibaba sa US$300,000 o P15 million ang minimum capital requirement para sa foreign investors na US$2.5M.
Diin ni Hontiveros, dahil sa inaasahang pagluluwag sa pamumuhunan ay direktang tatamaan ang mga small at medium enterprise sa bansa na siya ring pinakanatamaan ng mga epekto ng lockdown.
Dagdag pa ni Hontiveros, maaaring lumikha ng hindi patas na kompetisyon ang panukala dahil ang mga banyagang mamumuhunan ay suportado ng kanilang mga gobyerno pagdating sa pag-e-export.