Mas mababang singil sa kuryente ngayong Hulyo, asahan na dahil sa bagong Solar Farm sa Tarlac

Bukod sa refund bunsod ng hindi nagamit na regulatory reset cost asahang bababa pa ang singil sa kuryente sa mahigit 30 Milyong customer ng Meralco ngayong Hulyo.

Makakakuha na kasi ng suplay ng kuryente ang Meralco mula sa Solar Philippines Tarlac Farm.

Ayon kay Solar Philippines President Leandro Leviste, may peak capacity na 150 mw ang Solar Tarlac Farm na kauna-unahang makakapag-dispatch ng kuryente sa Meralco sa ilalim ng isang power supply agreement.


Sa halagang P2.9999/kwh, na may dalawang porsiyentong pagtaas kada taon, ito na umano ang pinakamababang rate sa isang power supply agreement sa bansa.

Kung papalitan nito ang average generation rate ng Meralco nitong Hunyo na P6.0185/kwh, aabot sa P3.0187/kwh o katumbas ng P603.74 ang maaaring matipid ng mga konsumer na may 200 kwh na konsumo ng kuryente kada buwan.

Sa tulong din ng nasabing Solar Farm, makakaiwas ang Meralco sa pag-angkat ng kuryente mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) tuwing mataas ang presyo.

Facebook Comments