Bagama’t wala pa sa bansa ang mas mabagsik na uri ng Mpox na Clade 1B, hindi naman inaalis ng Department of Health (DOH) ang posibilidad na pumasok ito sa bansa.
Nabatid na ang mortality rate ng Clade 1B ay sampu sa bawat isangdaan ang namamatay.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Health Spokesperson at Assistant Secretary Albert Domingo na posibleng latak pa ng dating umiikot na Clade 2 ng Mpox noong 2022 ang mga naitatalang bagong kaso ng Mpox ngayong taon.
Sa ngayon pawang strain ng Clade 2 ang nakita sa limang aktibong kaso ng Mpox sa bansa.
Kumpiyansa naman si Domingo na kakayanin ng bansa ang pagtugon sa mga kaso ng Mpox dahil dati na itong sakit at alam nila kung papano ito gagamutin.
Kaya habang nagtatala aniya ng kaso ng Clade 2 ay napa-practice na ang DOH sa pagtugon dito upang hindi mabigla sakaling mapasok ng mas matinding uri ng Mpox.