Manila, Philippines – Malalagay na sa alarm list ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga jaywalkers na hindi nagbabayad ng kaukulang multa.
Ito ay matapos magkasundo ang mga alkalde ng Metro Manila para i-deputize ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagpapatupad ng mga anti-jaywalking ordinances ng 17 Local Government Units (LGUs) ng Metro Manila.
Bilang mas mabigat na parusa, ang pangalan ng mga violators na bigong makapagbayad ng multa o makapag-community service ay ipo-forward sa National Bureau of Investigation (NBI) para maisama sa kanilang pangalan sa alarm list.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, kung isasawalang bahala lang ng mahuhuling jaywalker ang kanilang citation ticket, maaari namin itong sampahan ng kaso sa paglabag sa lokal na ordinansa at isusumite namin ang kanyang pangalan sa NBI.
Pipirmahan muna ng mga Metro Manila mayors, na bumubuo sa MMC, ang governing at policy-making body ng MMDA, ang resolusyon bago ito maipatupad.
Sa kasalukuyan, ang MMDA ay may sariling anti-jaywalking policy kung saan iniisyuhan ng citation tickets na may multang P500 ang mga lalabag. Maaaring magbayad ng multa o mag-community service ang sinumang mahuhuli.
Samantala, ang mga lokal na pamahalaan naman ay may kanya-kanya ring anti-jaywalking ordinances na kanilang ipinapatupad sa kani-kanilang mga lugar.