Mas mabigat na parusa laban sa mga mapang-abusong amo, inirekomenda sa report ng Senado

Inirekomenda ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang mas mabigat na parusa at mas malaking multa para sa mga among mang-aabuso sa kanilang mga kasambahay.

Bunga ito ng resulta ng imbestigasyon ng komite sa sinapit ng kasambahay na si Elvie Vergara na inabuso, pinagmalupitan at hindi pa pinasweldo ng kanyang mga amo sa Occidental Mindoro.

Sa report ng komite kung saan Chairman si Senator Francis Tolentino, inirerekomenda ang parusa laban sa mga abusadong amo ng apat na taon hanggang 20 taon na pagkakakulong at multang hanggang apat na milyong piso depende sa gravity o bigat ng ginawang krimen.


Pinaaamyendahan din sa committee report ang Kasambahay Law na wala namang nakasaad na probisyon para sa pagpapataw ng kaukulang parusa sa pisikal na pang-aabuso sa mga kasambahay.

Inirerekomenda rin ng komite ang pagsasampa ng kaso sa barangay chairman na unang umamin sa Senado na hindi tumulong para makapagsampa ng reklamo si Vergara laban sa kanyang amo.

Hinihiling din ang pagtatatag ng kasambahay registry sa mga barangay kung saan ililista rito ang mga kasambahay sa kanilang nasasakupan at ipinasusumite ang naturang listahan sa Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Commission on Human Rights (CHR), at sa Philippine National Police (PNP).

Hindi naman na kasama sa rekomendasyon ang pagkakaso sa mga dating amo ni Vergara dahil may kasalukuyan nang reklamo sa mga ito sa central office ng Department of Justice.

Facebook Comments