Pinapapatawan ng mas mabigat na parusa ng isang senador ang mga masasangkot sa krimen na arson o sadyang panununog.
Sa Senate Bill 2240 na inihain ni Senator Francis Tolentino, pinaaamyendahan dito ang Article 320 ng Revised Penal Code para pabigatin ang parusa sa krimen na arson.
Mula sa kasalukuyang reclusion temporal o 20 taon na pagkakabilanggo hanggang bitay ay pinaaamyendahan sa reclusion perpetua o 20 hanggang 40 taong pagkakakulong hanggang bitay ang parusa para sa kasong destructive arson.
Batay sa batas, destructive arson ang panununog sa mga pampubliko at pribadong gusali, sasakyan, public utilities at lugar na imbakan ng ebidensya ng mga krimen.
Ipinasasaklaw rin sa krimen ang sadyang pagsunog sa mga cultural property tulad na lamang sa nangyaring sunog sa Manila Central Post Office kamakailan.
Iginiit ni Tolentino na dapat lamang palakasin ng pamahalaan ang proteksyon sa mga ganitong cultural properties bagama’t naunang nilinaw ng Bureau of Fire Protection (BFP) na maliwanag na aksidente at hindi arson ang nangyaring sunog sa central post office.