Mas mabigat na parusa sa mga sinungaling na testigo, isinulong sa Senado

Manila, Philippines – Inihain nina Senate President Tito Sotto III at Senator Panfilo Ping Lacson ang panukala na magpapabigat ng parusa para sa kasong perjury.

Layunin ng hakbang nina Sotto at Lacson na matigil na ang pagsulpot ng mga sinungaling at mga testigo na peke at nag-iimbento lang ng mga testimonya.

Pangunahin nilang inihalimbawa sina alyas Bikoy na nagpapabago-bago ng testimonya at si Ador Mawanay na tumestigo noon laban kay Lacson pero bandang huli ay nagbawi umano ng mga pahayag at nag-sorry pa.


Base sa Article 183 ng Revised Penal Code, ngayon ay 6 na buwan hanggang 2 taon at 2 buwan na pagkakulong lamang ang parusa sa perjury o pagsisinungaling sa korte, sa Kongreso at sa sinumpaang salaysay.

Sa Senate Bill number 8 ni Sotto ay target na patagalin ng 6 hanggang 10 taon ang pagkakabilanggo para sa kasong perjury.

Sa Senate number 28 naman ni Lacson ay ipapataw ang parusa para krimen na inimbentuhan nito ng kwento.

Kapag naman taga gobyerno ang nagsinungaling sa kanilang testimonya ay ang pinakamahabang taon ng pagkakulong na maaaprubahan sa batas ang kanilang haharapin at habambuhay na diskwalipikasyon sa pamahalaan.

Facebook Comments