Asahan na ang mas maraming biyahe ng mga tren ng Philippine National Railways (PNR) sa mga susunod na araw.
Ito ay dahil sa dumating na sa bansa ang anim na bagong Diesel Multiple Unit (DMU) rail cars na mula sa Indonesia.
Ayon kay Joseline Geronimo, ang taga-pagsalita ng PNR, makakaasa ang publiko na madadagdagan ang mga biyahe ng PNR lalo na kapag pinatakbo na ang mga bagong DMU rail cars.
Ang anim na mga bagong bagon ay bubuo sa dalawang DMU train set ng PNR na siyang makakadagdag ng 18 hanggang 20 biyahe kada araw sa assigned route na Tutuban to FTI at Malabon to FTI.
Sinabi pa ni Geronimo na malaking bagay din ang bagong rail cars para maserbisyuhan ang mga bumibiyahe mula sa Southern Part ng Luzon hanggang sa Maynila at pabalik.
Batid naman aniya na suliranin ang mabigat na daloy ng mga sasakyang pa-Timog Luzon gaya ng patungong Parañaque, Muntinlupa at Laguna.
Kaninag alas-otso ng umaga ay idinarais ang official arrival launch para sa mga bagong bagon sa Port Area, Manila, na dinaluhan ng mga opisyal ng pamahalaan.
Ikinatuwa naman ng PNR na maraming pasahero ang natutuwa sa kanilang Japanese train set na may 83 seating capacity na bumibiyahe mula sa Maynila hanggang Los Banos, Laguna.