Manila, Philippines – Umalma ang ilang mga kuliglig drivers sa isinagawang Clearing Operations ng mga operatiba ang Manila Traffic and Parking Bureau o MTPB sa bahagi ng Recto Ave. at Evangelista St. sa Quiapo Maynila.
Hindi naman nagpatinag ang MTPB at hinatak ang mahigit sa 50 mga kuliglig na nahuli na bumabagtas sa Recto, habang ang iba naman ay mga nakaposte sa bahagi ng Evangelista.
Ayon kay MTPB Deputy Director for Operations Dennis Ibona, sa kabila ng paulit ulit na paalala at mga babala , ginawa pang paradahan sa nabanggit na lugar kayat dumami pa ang mga kuliglig sa bahagi ng recto dahiian upang lalu pang magsikit ang daloy ng trapiko.
Paliwanag naman ng mga driver ng kuliglig wala umano silang ibang alam na trabaho at mas mainam anila na naghahanapbuhay ng marangal kaysa magnakaw.
Inaasahan ng MTPB na lalo pang titindi ang pagbabagal ng daloy ng trapiko, habang papalapit ang pasko lalo na sa mga lugar malapit sa mga pamilihan gaya ng Divisoria at sa mga malls kayat maaga pa lamang ay inaabisuhan na ang mga motorista na habaan ang kanilang mga pasensya,habang magtutuloy tuloy ang Clearing Operations sa mga lansangan ng pamahalaang lokal ng Maynila, katuwang ang MMDA.