Tiwala si Senator Loren Legarda sa mas mabuti ang kondisyon ng Filipino seafarers matapos na ganap na lagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Magna Carta of Seafarers.
Nangangahulugan na magiging epektibo na ang batas dahil sa IRR at maisasakatuparan na ang mga benepisyong nakapaloob sa batas para sa mga manlalayag.
Ayon kay Legarda, ito ay panalo para sa domestic at foreign seafarers habang patuloy na naibibigay ang magandang kalagayan ng mga kababayan at proteksyon sa kanilang trabaho.
Umaasa si Legarda na makapapasa sa international standards ang mga programa nang sa gayon hindi na malagay sa alanganin ang trabaho ng seafarers.
Inaasahang nasa 500,000 Pilipinong seafarers ang magkakaroon ng karapatang magtatag ng union, makapag-collective bargaining, makapag-aral, proteksyon laban sa harassment at diskriminasyon, gayundin ang ligtas na paglalayag.