MAS MAHIGPIT NA PAGBABANTAY SA ANGALACAN RIVER, IPATUTUPAD NG LGU MANGALDAN

Magpapatupad ang lokal na pamahalaan ng Mangaldan ng mas mahigpit na pagbabantay at seguridad sa Angalacan River kasunod ng insidente ng pagkalunod noong Enero 4, 2026 sa Barangay Inlambo.

Napagkasunduan ang mga hakbang sa isinagawang executive-legislative meeting noong Lunes, Enero 5, matapos matukoy ng mga opisyal ang pagdami ng naitatalang insidente sa nasabing lugar, kabilang na ang isa pang insidente ng pagkamatay ng isa pang menor de edad dahil sa pagkalunod noong Disyembre ng nakaraang taon.

Bilang tugon, magsasagawa ang LGU ng organisado at tuloy-tuloy na pagbabantay upang maiwasan ang kahalintulad na mga pangyayari.

Kabilang sa mga planong ipatupad ang pagkakaroon ng fixed guarding schedule, pagdaragdag ng mga responder na may kumpletong rescue equipment, at pagsusuot ng standard na uniporme ng Angalacan River Task Force upang mas mapabilis ang pagkilala at pagtugon sa mga emerhensiya.

Magkakaroon din ng roving patrols sa mga pangunahing entry points ng Angalacan River upang makontrol ang pagpasok ng mga tao at matiyak ang kaligtasan ng mga bumibisita.

Kasabay nito, tinalakay rin ang mas mahigpit na regulasyon sa Angalacan Eco-tourism Road, kabilang ang pagpapatupad ng speed limit, bilang bahagi ng mga hakbang sa kaligtasan at pangangalaga sa kalikasan.

Pinag-usapan din ng mga opisyal ang planong pag-amyenda sa Municipal Ordinance No. 2023-03 na naglalaman ng mga alituntunin kaugnay sa paglangoy at iba pang aktibidad sa Angalacan River, upang mas maging malinaw at epektibo ang mga ipinatutupad na patakaran.

Facebook Comments