Mas mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa mga colorum na sasakyan tuwing dagsa ang pasahero, tiniyak ng LTFRB

Siniguro ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mas mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa lahat ng sangkot sa operasyon ng colorum na sasakyan.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II, naglipana at dumarami ang bilang ng mga colorum na sasakyan tuwing maraming pasahero, gaya ngayong Pasko at Bagong Taon.

Dahil dito, tiniyak ni Mendoza na tututukan nila ang mga sangkot sa iligal na operasyon, mula sa mga driver, operator, at kanilang kasabwat, upang hindi makabiyahe ang mga ito.

Target din ng LTFRB na habulin ang mga terminal na nagpapahintulot sa paggamit ng kanilang pasilidad ng mga colorum na sasakyan.

Base sa umiiral na batas, ang mga mapapatunayang sangkot sa pagbiyahe ng colorum na sasakyan ay maaaring patawan ng parusang anim hanggang 12 taong pagkakabilanggo o pagmumultahin ng P2 milyon.

Facebook Comments