Mas mahigpit na pagpapatupad ng ECQ, sisimulan ng PNP ngayon araw

Simula ngayong araw ay mas mahigpit ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine batay na rin sa Bayanihan Act sa Luzon lalo na sa Metro Manila, Region 3 at CALABARZON.

Direktang inihayag ni PNP Chief Archie Gamboa, wala ng magiging warning sa mga ECQ violator dahil agad silang aarestuhin at sasailalim sa inquest procedure bilang paglabag sa Republic Act 11469, 11332 at Article 151 ng Revised Penal Code.

Sa ngayon, mayroon ng 136,000 violators naitala ang PNP sa 35 araw ng pagpapatupad ng ECQ.


Nagpakalat naman na sila ng 12 team ng Special Action Force sa Strategic locations bilang pagpapaigting sa ECQ.

Panawagan ni PNP Chief sa publiko makipagtulungan sa gobyerno at matuto sa karanasan ng ibang bansa, na nag-relax nang magsagawa ng quarantine kaya tumaas ang kaso ng COVID-19.

Samantala, ipinag utos rin ni Gamboa sa lahat ng PNP Regional Director at Chief of Police na hikayatin ang mga Local Government Unit (LGU) na magpatupad ng ordinansa na makatutulong para makontrol ang pagkalat ng COVID-19.

Kagaya ng pagsusuot ng face masks, iligal na paglabas ng bahay at social distancing.

Facebook Comments