Matapos ang pagpapasara ng mga smoking areas sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bilang pag-iingat kontra sa COVID-19, pinaalalahan ng Joint Task Force COVID Shield ang mga police commanders na mahigpit na ipatupad ang smoking ban sa mga terminal ng pampublikong sasakyan.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration at JTF COVID Shield Commander Pol. Lt. Gen. Guillermo Eleazar, may mga reklamo silang natatanggap na may mga naninigarilyo sa mga terminal ng bus, jeepney at tricycle partikular sa mga lalawigan.
Ito’y sa kabila ng umiiral na smoking ban sa mga pampublikong lugar na itinatakda ng Presidential Decree 26 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Maliban dito, sinabi ni Eleazar na may panganib na makahawa ng coronavirus ang second hand smoke ng mga naninigarilyo at mga itinatapon nilang upos ng sigarilyo.
Nakakasama rin aniya sa kalusugan ang paninigarilyo dahil humihina ang respiratory system na siyang apektado o prone sa coronavirus.
Kaya naman utos ni Eleazar sa mga local commanders na makipag-ugnayan sa mga Local Government Unit (LGU) partikular ang mga barangay para makatulong ang mga ito sa pagpapatupad ng smoking ban.