Mas mahigpit na parusa laban sa hindi awtorisadong pagsusuot, pagbebenta at paggawa ng uniporme ng PNP, AFP at PCG, isinusulong ng Senado

Ipinasasabatas ni Senator Jinggoy Estrada ang pagpapataw ng mahigpit na parusa laban sa hindi otorisadong pagsuot, pagbebenta at paggawa ng uniporme ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG).

Sa Senate Bill 2151 na inihain ni Estrada, pina-aamyendahan nito ang Republic Act 493 na inaasahang pipigil sa paglipana ng mga taong gumagamit ng pekeng uniporme ng mga pulis at iba pang law enforcers para maisagawa ang mga iligal na gawain.

Sa panukala, ang sinumang magpapanggap na miyembro at mapapatunayang gumagamit ng uniporme ng PNP, AFP at PCG ay pagmumultahin ng hanggang ₱20,000 at kulong na sampung taon.


Habang ang mga taong hindi otorisadong gagawa at magbebenta ng mga uniporme gayundin ang paggawa ng tela ng nasabing uniporme ay pagmumultahin ng ₱5,000 hanggang ₱10,000 at pagkakabilanggo ng dalawa hanggang limang taon.

Naalarma si Estrada dahil ilang beses nang napabalita ang pangingikil, kidnapping, holdap at pang-aambush ng mga opisyal ng gobyerno gamit ang mga uniporme ng mga nagpapanggap na pulis at sundalo.

Panahon na aniya para maisama sa pangangasiwa ng PNP, AFP, coast guard at mga kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Transportation (DOTr) ang wastong paggamit ng uniporme upang masawata ang mga nagkukunwaring alagad ng batas.

Facebook Comments