Hinihiling ni Senator Imee Marcos na pabigatin ang parusa laban sa mga negosyanteng labis na nagpapataw ng mataas na presyo ng produkto sa panahon ng kalamidad at emergency.
Sa Senate Bill 1302 na inihain ng senadora, inaamyendahan nito ang Consumer Act of the Philippines o Republic Act 7394.
Sa ilalim ng isinusulong ni Marcos, makukulong ng dalawang taon at pagmumultahin ng P1 million ang mga negosyanteng mananamantala sa presyo kapag may kalamidad tulad ng bagyo at iba pang emergencies.
Sa kasalukuyang batas kasi ay limang buwan hanggang isang taon lang ang kulong at ang multa ay aabot lang ng P500.
Iginiit ng senadora ang mas mahigpit na parusa para sa mga magsasamantala sa presyo ng mga bilihin lalo’t nakita ito sa mga nagdaang kalamidad.
Inihalimbawa ni Marcos ang Bagyong Odette noong nakaraang taon kung saan may nagbenta ng gasolina na ang presyo ay P90 hanggang P100 gayong ang price range ng mga panahon na iyon ay nasa P60 hanggang P83 kada litro ng gasolina.
Dagdag pa rito ang pagputok ng Bulkang Taal na sinundan ng kasagsagan ng pandemya noong 2020 kung saan napakamahal ng presyo ng mga itinitindang face mask.