Isinulong ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Raymund Yamsuan na magkaroon ng mahigpit na patakaran ang mga establisyimento sa pagtanggap ng mga binebenta at sinasanla na mga smartphone at iba pang gadgets.
Nakapaloob ito sa House Bill 7969 na inihain ni Yamsuan at Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na mag-aamyenda sa sa Presidential Decree No. 1612 o Anti-Fencing Law upang matuldukan ang tumataas na bilang ng mga krimen gamit ang smartphones.
Tinukoy ni Yamsuan na noong 2019, ang National Telecommunications Commission (NTC) ay nakatanggap ng 34,353 cell phone blocking requests at concerns na nangangahulugan ng pagkawala o pagnakaw sa kanilang gadgets.
Sa ilalim ng panukala ni Yamsuan, magiging requirement sa pagbili ng 2nd hand mobile phones ang clearance mula sa NTC at clearance o permit mula sa station commander ng Philippine National Police (PNP).