Mas mahigpit na quarantine protocols, ipatutupad kasabay ng pagbabalik GCQ ng Metro Manila

Asahan na ang mas mahigpit na protocol sa pagbabalik ng Metro Manila at ilang lalawigan sa General Community Quarantine (GCQ) ngayong araw, August 19, 2020.

Ayon kay Metro Manila Council (MMC) Head at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, mas magiging mahigpit na ngayon ang quarantine protocols kumpara sa kung paano ito ipinatupad noong unang isailalim sa GCQ ang Metro Manila.

Ngayon aniya ay ipagbabawal na rin ang paglabas ng bahay maliban na lamang kung ang isang indibidwal ay Authorized Persons Outside Residence (APOR) at nagtatrabaho sa mga pinayagang sektor.


Maliban dito, magiging uniform na rin ang ipinatutupad na curfew hour sa buong Metro Manila na mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.

Sinabi pa ni Olivarez, huhulihin na rin at pagmumultahin ang mga taong hindi nagsusuot ng face mask at ang mga mali ang paggamit nito.

Nakadepende naman aniya sa Local Government Units (LGUs) kung maglalabas ito ng ordinansa sa pagsusot ng face shield.

Magiging mandatory naman ito sa mga pampublikong sasakyan at mga workplace.

Facebook Comments