Mas mahigpit na quarantine status, hindi na kailangan kahit nagkakaroon ng surge ng COVID-19 cases ayon sa Palasyo

Walang nakikitang dahilan ang Malacañang para magdeklara ng mas mahigpit na quarantine status partikular ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) matapos ang pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, malabo itong mangyari lalo na ngayong unti-unting binubuksan ang ekonomiya para makabawi ang bansa at makabalik sa trabaho ang mga nawalan ng hanapbuhay.

Aniya, inaatasan na ang lahat maging ang mga lokal na pamahalaan na hindi lang paigtingin ang minimum health standards at inactive na rin ang institutional isolation ng mga nagkakasakit.


Maliban dito, pinaigting din aniya ang tracing at isolation ng mga tao na nagkaroon na ng close contact at agad isailalim sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) ang mga ito.

“Nananawagan din po kami sa mga lokal na pamahalaan – may kapangyarihan po kayo na magdeklara ng mga localized lockdown. Hindi ko naman po sinasabi na buong barangay eh i-lockdown ninyo kung wala namang kaso sa buong barangay. Iyong kalye, iyong bahay, iyong compound na mayroong mga maraming sakit, i-lockdown ninyo na po iyan dahil iyan po talaga ang ating istratehiya ngayon. Dahil sa totoo lang po, hindi na po natin kaya na mag-lockdown ng ating ekonomiya. Napakadami na pong nagugutom,” giit ni Roque.

Facebook Comments