MAS MAHIGPIT NA REGULASYON SA PAGGAMIT AT PAGBEBENTA NG SIGARILYO AT VAPE SA BASISTA, IPAPATUPAD

Mas paiigtingin ang regulasyon sa paggamit, pagbebenta, at distribusyon ng sigarilyo, vape, at iba pang produktong may tabako sa bayan ng Basista kasunod ng pagpapatibay ng ordinansang nakabase sa Provincial Ordinance No. 317-2024 sa Pangasinan.

Saklaw ng ordinansa ang mga sigarilyo, electronic nicotine at non-nicotine delivery systems, heated tobacco products, at iba pang tinatawag na novel tobacco products, partikular sa mga itinakdang lugar kung saan mahigpit na ipagbabawal ang paggamit at bentahan ng mga ito.

Itinatakda rin nito ang mga parusa laban sa mga lalabag sa mga probisyon ng regulasyon.

Layunin ng hakbang na ito na maprotektahan ang kalusugan ng publiko sa pamamagitan ng pagbawas ng exposure sa paninigarilyo at vaping, lalo na sa mga pampublikong lugar, gayundin ang paghihigpit sa marketing at accessibility ng mga produktong may tabako.

Nilalayon din ng ordinansa na makapagbigay ng mas ligtas at suportadong kapaligiran para sa mga nais huminto sa bisyo.

Bahagi rin ng regulasyon ang pagtatalaga ng mga smoking area sa piling lugar upang malinaw na maihiwalay ang pinapayagang paggamit mula sa mga lugar na itinuturing na smoke-free, alinsunod sa layuning maisulong ang kalusugan at kaligtasan ng mga residente.

Facebook Comments