Mas mahigpit na seguridad, inilatag sa ika-2 araw ng Bar Exam 2024

Sa ikalawang araw na Bar Exam 2024, mahigpit na seguridad pa rin ang ipinapatupad ng Manila Police District (MPD) sa mga unibersidad kung saan ito ginaganap.

Maaga pa lamang ay maraming examinees na ang nagtungo sa University of Santo Tomas (UST) para hindi na maabala sa pila at sa isinasagawang security check sa mga dala nilang gamit.

Mula labas hanggang loob ng unibersidad ay nagtutulong-tulong ang mga tauhan ng Supreme Court at MPD para masigurong walang magiging problema sa nasabing pagsusulit ng mga nais maging abogado.


Umaalalay rin ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Barangay na nakakasakop sa paligid ng UST partikular sa España Blvd., Lacson Avenue, Dapitan, at P. Noval upang maging maayos ang daloy ng trapiko.

Pinapayuhan naman ang mga motorista na dadaan sa westbound lane ng España o sa mismong tapat ng UST na bahagyang bumabagal ang daloy ng trapiko dahil sa mga naghahatid ng kukuha ng bar exam.

May bahagi rin ng Dapitan at P. Noval Street ang sarado kaya’t pinapayuhan ang mga motorista na dumaan muna sa mga alternatibong ruta.

Facebook Comments