
Isang mas mahigpit na version ng Anti-Political Dynasty bill ang inihain nina House Speaker Faustin Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos.
Ito ay ang House Bill number 6771 na nagbabawal sa sabay-sabay o sunod-sunod na paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan ng mga magkakamag-anak hanggang ikaapat na antas, legitimate o illegitimate, at half o full blood.
Saklaw nito ang magulang, anak, magkapatid, tiyuhin, tiya, pamangkin, pinsan, at iba pang nasa parehong antas.
Sa panukala nina Dy at Marcos ay bawal din ang pagtakbo o paghawak ng posisyon ng mga common-law spouse o kinakasama, upang maiwasan ang anumang paraan ng pag-ikot o pag-iwas sa batas.
Para naman sa mga kongresista, provincial, municipal at baranggay official, sinoman sa kanilang kamag anak ay hindi maaring tumakbo o humawak ng pwesto sa kaparehong distrito, provincial, municipal, city o barangay office.
Sa Senado naman ay hindi papayagan na sabay umupo ang nabibilang sa iisang pamilya tulad ng magkapatid.
Ayon kay Speaker Dy, panahon nang itaguyod ang tunay na reporma sa politika sa pamamagitan ng paghinto sa dinastiya na ilang dekada ng nakaugat sa maraming rehiyon.









