Manila, Philippines – Aasahan pa ang mas maigting na kampanya kontra iligal na droga sa pagpasok ng bagong hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency sa katauhan ni PCSupt. Aaron Aquino.
Ayon kay PNP Chief Ronald Dela Rosa, sa pagpasok ni Aquino sa PDEA, ay malilipat naman si PDEA Director General Isidro Lapeña sa Bureau of Customs na magtitiyak na di na daw makakapasok ang iligal na droga mula sa ibang bansa.
Siniguro rin ni Dela Rosa na magiging maganda ang kaniyang ugnayan sa dalawang ahensya dahil pareho niyang naka-trabaho sina Lapeña at Aquino.
Sa ngayon, importante daw na palakasin munang mabuti ang kapasidad ng PDEA bago alisin ang pulis sa kampanya laban sa droga.
Halos dalawang libo lamang daw ang tauhan ng PDEA at wala silang mga tauhan sa buong bansa.
Napakahalaga aniya na maging bahagi ang pulis sa pagsawata sa iligal na droga sa bansa sa kabila ng mga tiwaling pulis na gumagawa ng mga iligal na gawain.