Inutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Philippine Competition Commission sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na magpatupad ng mga hakbang laban sa mga kartel ng bigas.
Ayon sa pangulo, dapat nang matapos ang pananamantala ng mga kartel na walang ibang naapektuhan kundi ang ordinaryong mahihirap na Pilipino.
Nais ng pangulo na matiyak ang patas na kompetisyon sa mga palengke at maitaguyod ang kapakanan at proteksyon ng mga mamimili.
Kasabay nito ay inatasan din ng presidente ang Pambansang Pulisya at iba pang mga awtoridad at ahensya na tulungan ang DTI at DA sa mabilis at epektibong pagpapatupad ng price cap sa bigas sa buong bansa.
Batay sa ilalim ng Section 7 ng Republic Act No. 7581 o Price Act, pwedeng magtakda ng hangganan ng presyo sa mga basic necessity at pangunahing produkto ang pangulo ng bansa sa bisa ng rekomendasyon ng mga implementing agency o ng Price Coordinating Council.
Ito ay para makapagbigay ng epektibo at sapat na proteksyon sa publiko laban sa hoarding, profiteering at mga kartel.