Isinusulong ni Senator Loren Legarda ang panukalang batas na titiyak sa makatwiran at maayos na Tertiary Education Subsidy (TES) na ipinapatupad sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Ayon kay Senator Loren Legarda, may-akda ng batas sa Senado, napansin niya ang nakababahalang trend sa free higher education kung saan ang share ng mga TES grantees sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ay bumaba ng husto mula 74.24 percent mula academic year 2018-2019 sa 30.74 percent na lang ngayong A.Y. 2022-2023.
Napuna ng senadora ang pagtaas naman sa PNSLs o ang “Place with No SUC/LUC” na nakatanggap ng malaking bahagi ng subsidiya ng free higher education program mula sa 25.76 percent sa 69.26 percent sa parehong period.
Giit ni Legarda, ang pagbabago sa trend ay malaking hamon sa tunay na layunin ng batas kung saan ginawa ito para siguruhin na ang mga pinakanangangailangan sa ating lipunan ang nabibigyang prayoridad sa programa.
Sa ilalim ng Senate Bill 2905 na inihain ni Legarda, ang mga estudyanteng kabilang sa 4Ps household na nakapagtapos ng senior high school at tinanggap sa isang CHED-accredited college o university ay otomatikong qualified sa TES.
Ang natitira namang TES slots ay ilalaan sa mga estudyanteng may mababang kita, batay sa per capita income ng kanilang pamilya.