Hiniling ng mga kongresista na miyembro ng House Committee on Appropriations na madagdagan ang ₱3.39 billion na pondo ng Department of Tourism (DOT) sa susunod na taon.
Sa budget hearing kung saan humarap si DOT Secretary Maria Esperanza Christina Frasco ay sinabi ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na dapat lang maitaas ang pondo ng ahensa lalo’t maganda naman ang performance nito.
Tiniyak naman ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na susuporta ang budget increase ng DOT ng mga kongresistang kabilang sa mayorya at minorya.
Ikinatuwa rin ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang mga accomplishments at performance ng DOT kahit kapos ang pondo.
Sang-ayon naman si Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo sa sinabi ni Secretary Frasco na ang turismo ay isa sa mga sandigan ng ekonomiya.
Binanggit ni Frasco na noong 2023 ay umabot sa ₱3.36 trillion ang kabuuang nai-ambag nito sa kita ng gobyerno, sa mga negosyo habang umabot naman sa 6.21 million ang mga Pilipino na nakahanap ng trabaho sa iba’t ibang sektor sa tourism industry.
Ibinida rin ni Frasco ang 48% na paglago ng turismo sa bansa at ang kauna-unahang pagreshistro nito ng mahigit 2.45 billion US dollars na trade surplus sa travel services.